Stop Over | Life on Hold


Ilan ba sa mga bagong graduates ang nasa trabahong hindi nila gusto? Ang katwiran nila, “stop over lang ito, pag nakakita na ako ng trabahong gusto ko talaga, aalis din agad ako.”

Hindi lang din iilan ang mga nasa relasyong hindi naman nila talagang gusto. Stop over lang nila ang mga lalake o babaeng kasama nila ngayon hanggang mahanap nila ‘yung totoong mamahalin nila at makakasama pang habang buhay.

Madami ding, lalo na sa babae, bumibili ng mga damit na mas maliit kesa sa size nila. Ang katwiran nila, nagda diet naman sila. Stop over lang ang size nila ngayon.



Bakit nga ba ganon? Bakit madami ang nilalagay ang sarili nila sa stop over stage?

Siguro dahil lahat naman tayo ay may pangarap. Ang ilan nga, sobrang tindi ng kagustuhan nilang makuha ang pangarap nila, lahat ng elemento sa buhay nila ay pinupwesto nila para bagayan ang pangarap na ‘yun.

Puwede namang hindi rin sila sigurado kung ano talaga ang gusto nila. Basta alam nilang may gusto sila hindi na lang kung ano ang meron sila ngayon.                                                                                

Kaya lang, kasabay ng stop over ay ang pagiging on hold ng maraming bagay sa buhay nila. ‘Yung mga nagda diet, pinipili nilang huwag na lang munang bumili ng mga damit na gusto nila dahil sayang lang pag finally pumayat na sila. Oo nga naman, sayang. ‘Yung mga nag aantay ng application nila sa ibang bansa, nagtitiis na lang sa trabaho hindi nila gusto. Temporary lang naman.

Pero hindi ba mas sayang ang mga panahon o oras na ginamit sa isang bagay hindi mo naman gusto? Nag invest ka ng panahon, oras at energy sa isang lugar o bagay na sigurado ka namang iiwan mo din. 

‘Yang mga nagtitiis sa relasyong alam naman nilang hindi nila matatagalan panghabambuhay, dapat sana ginamit mo na lang ang oras para sa sarili mo, para makadiskubre ka ng mga bagay na magugustuhan mong gawing mag-isa o ‘di kaya naman sa mga kaibigan mong gusto mong kasama. Imbes na nagtitiis kang i-holding hands ang lalake o babaeng ayaw mo naman maging bahagi ng buhay mo sa romantic level pang habambuhay. Sana nag-aral ka na lang magluto, magsayaw, kumanta, o kumuha ka na lang ng Masters degree. Malay mo, doon mo pala matatagpuan ang talagang mamahalin mo.

Higit pa doon, mas masaklap kung pati ang kaligayahan mo on hold. Sa kaka on hold mo ng buhay mo, nasayang na pala ang mga buwang puwede mo na sanang naramdaman ang kaligayahan. Sa kaka on hold mo ng mga bagay na gusto mong gawin, on hold din ang paglago mo. Soot ka ng soot ng damit na hindi mo naman talaga style dahil antay ka ng antay sa pagpayat mo. Pasok ka ng pasok sa trabahong hindi mo naman gusto eh pwede namang habulin mo ang trabahong mag-e-enjoy ka talaga.

Hindi na baleng may inaantay kang dumating, ang importante habang nag-aantay ka nagagawa mo pa rin ang gusto mo. Para pag dumating na ang bagay o taong hinihintay mo puwede mong masabing masaya ka sa iniwan mo. Malay mo, meron ka pang puwedeng baunin.


Dapat habang nag-apply ka sa ibang bansa, ituring mo na ang trabaho mo ngayon bilang buhay mo. Araw araw ka na rin lang nandiyan, dapat masagad mo na ang posibilidad mo. I-target mo na ang promotion, kilalanin mo ang mga katrabaho mo, mag contribute ka ng malaki sa kompanya. Kung ayaw mo talaga, umalis ka at maghanap ng trabahong magpapasaya sayo.

Dapat habang nagpapayat ka, mag ayos ka pa din. Kung bibili ka ng gamit, bumili ka ng gamit na magagamit mo ngayon. Para sa bawat oras na lalabas ka ng bahay, alam mong gusto mo ang itsura mo. Pag finally pumayat ka, eh di mas maganda ka na lalo.

Dapat kung papasok ka sa isang relasyon, siguraduhin mong mahal mo ang makakasama mo. Kung hindi naman, eh di kaibiganin mo na lang. Baka sakaling maging mag bestfriend pa kayo.

Dapat bawat araw, bawat sandali, bawat sulok ng kinaroroonan mo, ituring mo na isang destinasyong buong buhay tayong inantay at hindi isang stop over stage kung saan pati buhay mo naka stop.

Comments

Popular posts from this blog

Jabbawockeez, Ben Chung and America's Best Dance Crew

Do You Wish You Are Younger?

How I Earn $500 a Month Online Without Selling Anything